"Pagkahaba-haba man ng prusisyon sa simbahan din ang tuloy"
Ang kasabihan na ito ay nangangahulugang sa tinagal ng ligawan at suyuan, hanggang sa sinagot, at matagal ng pagsasamahan bilang magkasintahan at sa dami ng mga pagsubok at hamon na nalampasan na magkasama sa huli ay sila pa rin pala ang nakatadhanang magsama habang buhay at sa simbahan din ang kanilang tuloy upang mangako sa harap ng Diyos ng panghabambuhay na pagsasama at pagmamahalan.
Kasabihan
Ang kasabihan na tinatawag na "saying" sa Ingles ay tumutukoy sa mga pangungusap na madalas nagpapakita ng magandang aral para sa mga tao. Ang mga kasabihan ay mabisa ring gamitin pangturo sa mga bata ng magandang aral at ng mga realidad sa buhay.
Mga halimbawa ng kasabihan at ang kanilang kahulugan:
1. Ang gumagawa ng kabutihan, hindi matatakot sa kamatayan.
Kapag gumagawa ka ng mabuti, kailanma’y hindi ka matatakot mamatay at husgahan sa kabilang buhay.
2. Ang tunay na kaibigan sa ligaya at kalungkutan, ikaw ay sasamahan.
Nasusukat ang pagkakaibigan hindi lang sa ligaya kung hindi ay pati sa kalungkutan.
3. Walang mahirap na gawa kapag dinaan sa tiyaga.
Kahit anong gawain ay matatapos o malalampasan kapag ikaw ay matiyaga.
4. Kung ano ang itinanim ay siya rin ang aanihin.
Kung ano ang iyong ginagawa ay siya rin ang gagawin sa’yo. Kapag ito ay kabutihan, ikaw rin ay makakatanggap ng kabutihan o gagawan ng mabuti ng ibang tao.
5. Ang batang hindi nagsasabi ng katotohanan ay hindi maaasahan.
Tunay na hindi ka makaasa sa bata man o sa matanda na hindi nagsasabi ng katotohanan.
6. Kapag may isinuksok, may madudukot.
Kapag ikaw ay may itinira o itinabi, halimbawa ay pera, sa panahon ng kagipitan ikaw ay may makukuha at magagamit.
7. Kung ayaw mong maghirap, ikaw ay magsikap.
Sa buhay, mahalaga ang magsumikap lalong-lalo na kung ikaw ay ipinanganak na hindi mayaman.
8. Ang katotohanan ang magpapalaya sa may kasalanan.
Kapag ikaw ay may kasalanan, sabihin mo ang totoo sapagkat ito lang ang magpapalaya sa'yo.
9. Ang batang malinis sa katawan, ay malayo sa karamdaman.
Ito ay literal na nagsasabing ang paglilinis sa ating mga katawan ay isa sa mga paraan upang tayo’s mapalayo sa mga sakit at maging malusog.
10. Ang kayamanan na galing sa kasamaan, kapahamakan ang maidudulot.
Kapag hindi galing sa mabuti ang iyong pera, ikaw ay talagang sisingilin sa anong paraan man.
11. Kapag makitid ang kumot, matuto kang mamaluktot.
Kapag mahirap ang buhay, matuto kang pagtiyagaan ang sitwasyon.
12. Ang mabuting ugali, masaganang buhay ang sukli.
Kapag mabuti ang iyong kalooban, tiyak na ikaw ay pagkakalooban ng masaganang pamumuhay.
13. Kung may tiyaga, may nilaga.
Kapag matiyaga ka at masipag, paniguradong may magandang bunga ito.
14. Ang kaginhawaan ay nasa kasiyahan at wala sa kasaganahan.
Hindi nasusukat sa kung anong mayroon ka ang kaginhawan ng iyong buhay. Ito ay nakabase sa kung gaano ka kasaya sa buhay na mayroon ka sa kasalukuyan.
15. Walang umaani ng tuwa, na hindi sa hirap nagmula.
Lahat ng daan patungo sa tagumpay ay may kaakibat na kahirapan na kailangang pagdaanan at lampasan.
Para sa karagdagan pang Kaalaman magtungo sa mga link na:
Pagkakaiba ng Salawikain, Sawikain at Kasabihan:
#LetsStudy